
Nagsasagawa na ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ng imbestigasyon kaugnay ng mga naranasang red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grid.
Ito ay bilang pagtalima sa direktiba ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa NGCP na magsumite ng komprehensibong ulat patungkol sa serye ng power supply disruptions sa Luzon at Visayas.
Mula kasi Mayo 12 hanggang 14 ay itinaas ng NGCP sa yellow at red alert ang Luzon at Visayas grid.
Pagkatapos ng kanilang imbestigasyon ay agad silang magsusumite ng kanilang ulat sa DOE at ERC.
Ayon sa kumpanya, nakatuon muna ang kanilang kasalukuyang operasyon sa pagpapanatili ng katatagan ng Luzon at Visayas grids habang hinihintay ang ganap na normalisasyon ng suplay ng kuryente.
Matatandaang nagdeklara ang NGCP ng Red Alert status sa Luzon Grid noong Mayo 13, na nakaapekto sa mahigit 200,000 customers sa ilang bahagi ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Metro Manila, at Rizal
Una nang sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, kailangang ipaliwanag ng NGCP ang naturang mga alerto na nagdulot ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente.
Nararapat din lamang aniya na magkaroon ng buong transparency sa mga insidenteng nagdulot ng grid alerts kaya inaatasan ang NGCP na sumunod sa lahat ng reportorial at regulatory obligations nito.










