
Cauayan City – Nagsagawa ng dalawang araw na pagsasanay sa Alternate Wetting and Drying (AWD) at Basic Rice Production National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) Division II sa pagbibigay kaalaman sa mga magsasaka hinggil sa makabagong teknolohiya sa irigasyon at pagsasaka sa Barangay Burgos, Ramon, Isabela.
Pinangunahan ang aktibidad ni Miriam B. Lucas, Senior Irrigators Development Officer, sa ilalim ng pamumuno ni Engr. Ronnie B. Besa, Division Manager, at sa tulong ng mga kinatawan mula sa Head Office.
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga benepisyaryong magsasaka sa paggamit ng tamat sustenableng pamamaraan sa pamamahala ng tubig at produksyon ng palay.
Ibinahagi rin ni Engr. Romeo Yumul at Mr. Rogelio Suanson ang kanyang kaalaman sa konsepto at aplikasyon ng Alternate Wetting and Drying (AWD).
Ipinaliwanag nila kung paano ito makatutulong sa pagtitipid ng tubig nang hindi naaapektuhan ang ani. Tampok din sa pagsasanay ang demonstrasyon ng Minus-One Element Technique (MOET), kung saan aktwal na natutunan ng mga kalahok ang tamang paraan ng pagsusuri sa kakulangan sa nutrisyon ng lupa gamit ang Minus-One Element Technique kits.
Bukod sa mga talakayan, isinagawa rin ang mga aktwal na pagsasanay sa bukid upang aktwal nan makita ng mga magsasaka ang kanilang natutunan. Sa pamamagitan ng ganitong inisyatibo, pinagtitibay ng Division II ang kanilang layunin na hindi lamang maghatid ng dekalidad na serbisyo sa irigasyon kundi maging katuwang ng mga magsasaka sa pag-unlad sa pamamagitan ng agham at teknolohiya sa agrikultura.