
Nananatiling normal at walang aberya sa lahat ng operasyon ng mga paliparang pinamamahalaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP.
Ayon sa CAAP, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga airline companies hinggil sa kanilang mga financial obligation upang matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon at maayos na takbo ng operasyon sa mga paliparan.
Binigyang-diin ng ahensiya na ano mang pagkaantala o paghinto ng operasyon ng isang airline ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa ekonomiya, pagkawala ng trabaho at pagkaantala sa serbisyo para sa mga pasahero at kargamento.
Dahil dito, ang pagbabayad umano ang itinuturing na pinakamainam at praktikal na solusyon.
Nilinaw rin ng CAAP na binigyan nito ang AirAsia Philippines nang hanggang June 6, 2026 upang mabayaran ang natitirang obligasyon nito sa ahensya.
Ayon sa CAAP, matagal na nilang pinag-uusapan ng airline ang naturang usapin mula pa noong nakaraang taon.
Tiniyak naman ng CAAP na mananatili itong nakatuon sa kaligtasan ng aviation, pagpapatuloy ng operasyon at pagpapatupad ng mga regulasyon habang patuloy na nakikipagtulungan sa industry stakeholders.
Una nang naglabas ng pahayag ang Air Asia at tiniyak na nananatiling normal at tuloy-tuloy ang operasyon ng kanilang mga flight sa buong bansa sa kabila ng usapin hinggil sa kanilang utang at obligasyon sa CAAP.










