
Bina by-pass umano ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral ang tamang proseso sa departamento.
Yan ang pahayag ni dating Planning Service Director at kasalukuyang Undersecretary ng DPWH na si Alex Bote bilang testigo kahapon sa pagdinig ng malversation case ni dating Senador Bong Revilla Jr. sa Sandiganbayan 3rd Division.
Giit ni Bote, nilinaw ni Cabral sa kaniya na may mga oras na direkta itong makikipag-coordinate sa Planning Division noong ma-appoint siya noong 2023, bagay na hindi niya kinontra dahil iyon na umano ang kinamulayan niya sa departamento.
Maliban dito, hindi rin umano siya nakatanggap ng kopya ng listahan ng mga errata o pagbabago sa mga proyekto at proponent para sa budget.
Dagdag pa ni Bote, wala siyang natanggap na output ng Planning Service kaugnay ng annual budget noong 2025, kabilang ang errata na direkta umanong isinusumite kay Cabral.










