
Pinuna ni Senator Risa Hontiveros ang mabagal na pag-take down ng META sa livestreaming ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School.
Giit ng senadora, hanggang ngayon kasi ay may mga nakikita pa sa Facebook na kopya ng livestream video kaugnay sa school shooting incident.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, sinabi ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center Director Undersecretary Renato Paraiso, na inabot ng 14 minutes ang livestreaming sa Facebook ng pamamaril.
Limang minuto na aniya noong una nilang malaman ang livestream ng pamamaril na agad nilang ini-report sa META at agad namang umaksyon at na-take-down ang livestream sa loob ng siyam na minuto.
Pero giit ni Hontiveros, masyadong matagal ang 14 na minuto at posibleng magamit pa ang video sa mga maling impluwensya .
Gayunman, inamin ni Paraiso na nag-live din sa ibang platform ang child in conflict with the law (CICL) na ngayon lamang din nila nalaman sa gitna ng imbestigasyon at posibleng doon mas lalong kumalat ang video dahil walang hurisdiksyon dito ang CICC.
Umapela si Paraiso sa mga senador na magsulong ng panukala na magbibigay din sa kanila ng hurisdiksyon sa ibang messaging platform web-based chat groups tulad ng Discord.
Iginiit ni Hontiveros na dapat magkusa ang META at huwag ipaubaya sa CICC ang paglilinis sa basura sa kanilang platform.
Walang ipinadalang kinatawan ang META sa pagdinig kaya muli itong padadalhan ng sulat ng komite.










