
Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na dumating na sa bansa si VP Sara Duterte mula sa Hong Kong.
Ayon sa OVP, 3:21 PM dumating kanina si VP Sara sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA 1 sakay ng Philippine Airlines flight no. PR 319
Kasama aniya ng pangalawang pangulo sa kanyang personal trip sa Hong Kong nitong weekend ang kanyang mga anak.
Hindi naman tinukoy ng OVP kung dumeretso si VP Sara sa Villamor Airbase kung saan naka-hold ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak naman ng OVP na tutugon ang pangalawang pangulo sa mga kaganapan ngayon sa tamang oras.
Ayon naman sa ilang insider mula sa NAIA, idinaan sa rampa ang pangalawang pangulo paglabas nito ng NAIA 1 at hindi siya idinaaan sa ordinaryong daanan ng mga pasahero.