HIGIT 200 PAGYANIG, NAITALA SA NAGPAPATULOY NA EARTHQUAKE SWARM SA BOLINAO

Umabot na sa 287 ang kabuuang bilang ng mga lindol na naitala sa nagpapatuloy na earthquake swarm sa karagatang bahagi ng Bolinao, Pangasinan mula Mayo 27 hanggang Hunyo 26, 2026, ayon sa DOST-PHIVOLCS.

Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, ang mga naitalang pagyanig ay may lakas na Magnitude 1.8 hanggang 5.1 at lalim na 2 hanggang 47 kilometro. Isa sa mga lindol ang naitala na naramdaman sa Intensity II.

Ayon sa DOST-PHIVOLCS, ang earthquake swarm ay serye ng mga lindol na nagaganap sa iisang lugar sa loob ng maikling panahon nang walang malinaw na pangunahing lindol o mainshock.

Patuloy na binabantayan ng ahensya ang seismic activity sa lugar at pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa baybayin, na manatiling alerto at sundin ang mga opisyal na abiso sakaling magkaroon ng panibagong pagyanig o iba pang kaugnay na panganib. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments