Arestado ang isang 34-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng tinatayang ₱2.448 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Urdaneta City, Pangasinan noong September 7, 2026.
Ayon sa pulisya, nakabili umano ng hinihinalang shabu mula sa suspek ang isang operatiba na nagpanggap na buyer.
Nasamsam sa operasyon ang pitong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 360 gramo.
Narekober din ang isang tunay na ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, boodle money at iba pang ebidensya.
Pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit o PDEU ang operasyon katuwang ang iba pang police at intelligence units ng Pangasinan Police Provincial Office at Police Regional Office 1, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1.
Dinala sa Urdaneta City Police Station ang suspek habang isinumite sa Pangasinan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga para sa laboratory examination.
Inihahanda laban sa suspek ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy naman ayon sa Pangasinan Police Provincial Office ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








