RELIEF EFFORT SA SAN CARLOS CITY, PINALAWAK MATAPOS IDEKLARA ANG STATE OF CALAMITY

Pinalawak pa ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ang pamamahagi ng ayuda sa mga residenteng naapektuhan ng patuloy na pag-ulan at pagbaha, kasunod ng deklarasyon ng State of Calamity sa Pangasinan.

Kabilang sa inilaan para sa distribusyon ang tinatayang 125 tonelada o 125,000 kilo ng bigas, na ayon sa LGU ay maaaring mapakinabangan ng humigit-kumulang 62,500 pamilya.

Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng paghahanda upang matiyak na may sapat na suplay ng pagkain para sa mga pamilyang nangangailangan sakaling magpatuloy ang masamang lagay ng panahon at pagbaha.

Nagbigay rin ng mas malawak na kakayahan sa pagtugon ang State of Calamity dahil maaari nang magamit ang bahagi ng Quick Response Fund o QRF para sa agarang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Nauna nang naipamahagi ng LGU ang tinatayang 4,500 sako ng tig-10 kilong bigas sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa iba’t ibang barangay.

Patuloy din ang distribusyon ng mahigit 14,000 Family Food Packs mula sa DSWD na hiniling ng lokal na pamahalaan, habang may karagdagang relief assistance din mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.

Naglaan din ang ilang barangay ng sariling pondo mula sa kanilang disaster funds para sa karagdagang ayuda, depende sa pangangailangan ng kanilang mga residente at sa available na resources.

Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon sa mga apektadong barangay upang matukoy kung saan pa kinakailangan ang karagdagang relief assistance. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments