
Pinahihintulutan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatuloy ang dalawang big-ticket transmission projects ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na nagkakahalaga ng P32 bilyon.
Ang dalawang proyektong ito ng NGCP ay ang panukalang Western Luzon 500-kilovolt (kV) backbone project stage 2 na nagkakahalaga ng higit P18 bilyon (P18,823,721,311.12).
Habang ang Nagsaag-Santiago 500 kilovolt transmission line project ay nagkakahalaga ng higit P13 bilyong (P13,203,375,212.37).
Pagkatapos ng masusing pag-aaral at pag-uusap ay napagpasyahan ng ERC na aprubahan ito pero ayon sa ERC ay isasailalim pa rin ito sa pag-optimize batay sa aktuwal na paggamit nito at mga magagastos nito, batay sa mga opisyal na resibo, habang sumasailalim ito sa proseso ng pag-reset sa kabuuan ng regulatory period.