Nababahala ngayon ang mga padyak drayber sa maaaring maging epekto sa paparating na El Nino.
Kabilang na si Juan Abulencia, isang padyak driver.
Sa aming panayam, ibinahagi niya ang hirap na kanyang nararanasan sa paghahanapbuhay, lalo na sa kanyang edad bilang isang senior citizen, kasabay ng pangambang maidudulot ng matinding init ng panahon.
Apektado rin umano ang kanilang kabuhayan sa pagtaas ng presyo ng krudo, kahit hindi naman ito direktang ginagamit sa kanilang padyak.
Aniya, kapag kakaunti ang sumasakay sa mga pampublikong sasakyan, nababawasan din ang mga pasaherong naghihintay sa mga terminal at sa mga boundary ng kanilang ruta.
Dagdag pa ni Abulencia, matumal din ang kanilang kita dahil sa kakaunting pasahero.
Dahil salitan ang kanilang paghahanap ng pasahero, mas matagal silang naghihintay bago muling makakuha ng masasakay.
Hindi rin umano nila basta-bastang maitataas ang pamasahe dahil nakasanayan na ng kanilang mga pasahero ang kasalukuyang halaga nito. Gayunman, ikinatutuwa nila kung may mga pasaherong kusang nagbibigay ng dagdag na bayad.
Para kay Abulencia, mahalaga ang kanyang trabaho bilang padyak driver dahil ito na lamang ang nakikita niyang pangunahing mapagkukunan ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa kanyang edad.
Sa huli, umaasa ang mga padyak driver na mabibigyan din sila ng ayuda o anumang uri ng tulong mula sa pamahalaan upang maibsan ang hirap ng kanilang paghahanapbuhay, lalo na kung mararanasan ang matinding init na maaaring idulot ng El Niño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










