Thursday, August 27, 2026

Mga bayaning gumagamit ng alyas hindi dapat ikumpara sa mga gawa-gawang pangalan na tumanggap ng confidential funds

Para sa House Prosecution Panel, insulto at tiyak labis na ikakagalit ng ating mga bayani na gumamit noon ng alyas na ihambing sila sa mga gawa-gawang pangalan na tumanggap umano ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Reaksyon ito ni House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kasunod ng analogy ni Senator-Judge Robinhood Padilla na nagkukumpara sa ating mga bayani sa mga alyas na nakasaad sa acknowledgement receipts kaugnay sa confidential funds ng Office of the Vice President.

Diin ni Adiong, insulto at paglapastangan sa sakripisyong ginawa ng mga bayani para sa ating bansa na itulad sila sa mga pangalang Marry Grace Piattos, Mico Harina, Andy Lim, Ms. Ngitngit, Mr. Pagong, Ms. Pusa, Ms. Belat at iba pa.

Giit naman ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, gumamit ng alyas ang ating mga bayani noon sa pakikipaglaban para sa ating bansa at hindi para pagtakpan ang maling paggamit at pag-abuso sa pera ng bayan.

Facebook Comments