
Walang ibang nakikitang mapagpipilian ang Senado kundi ang itawid ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa 20th Congress.
Kasunod na rin ito ng pagtutol ni Senator-elect Panfilo Lacson sa draft resolution mula sa opisina ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung saan ipinadedeklara sa Senado ang de facto dismissal o tuluyang pagbasura sa impeachment case ni VP Sara.
Punto ni Lacson, tanging ang impeachment court lang ang pwedeng umaksyon sa pagpapa-dismiss ng kaso at hindi ang Senado na tumatayong legislative body.
Bukod sa hindi pa nagko-convene ang mataas na kapulungan bilang impeachment court, wala ring hurisdiksyon o legal na kapangyarihan ang Senado na magpabasura ng kaso.
Posible pa aniyang i-strike down o ipawalang bisa ng Korte Suprema kung aakto ang Senado sa resolusyon na hindi nagco-convene bilang impeachment court sakaling may kumuwestyon dito sa korte.
Giit ni Lacson, ang best way ay hayaang mag-crossover o tumawid sa 20th Congress ang impeachment case upang doon madetermina o malaman kung may conviction o ma-acquit si VP Sara.