
Matagal nang pinag-uusapan ng National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA) kung papaano maipatutupad ang pagbebenta ng P20/kilo na bigas bago pa lumabas ang anumang performance ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pahayag ito ng Palasyo kasunod ng mga batikos na pinilit lamang na maipatupad ang programa dahil sa pagsadsad sa 25% ng trust at performance ratings ng pangulo sa pinakahuling Pulse Asia Survey mula sa sa dating 42% na rating noong Pebrero.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang kinalaman ang pagbaba ng approval at trust rating ni Pangulong Marcos sa pagpapatupad ng P20/kilo na bigas sa Visayas Region.
Matagal na aniyang hangarin ng pangulo na maisakatuparan ang kaniyang pangako sa mga Pilipino noong 2022 Presidential Elections na ibaba ang presyo ng bigas.
Paliwanag ni Castro, hindi lang talaga kinaya ng budget para maipatupad ito nang maaga dahil sa mataas na road market prices batay sa DA, at dumaan din ito sa masusing pag-aaral para sa maisaayos ang implementasyon.
Sa halip na maging negatibo at isiping ito’y pamumulitika lamang, mas mainam aniya kung magiging masaya ang lahat dahil unti-unti nang nasasakatuparan ang pagbebenta ng bigas sa mababang presyo.