
Kinumpirma ng National Security Council (NSC) na may mga indikasyon silang nakita na nanghihimasok ang China sa nalalapit na 2025 midterm elections sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zone, binusisi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino kung may mga operasyon ba ang China para sa mga kandidato na nais nilang manalo sa halalan sa bansa.
Sinabi ni NSC Assistant Director Jonathan Malaya na may mga nakikita silang kumakalat na mga impormasyon na Chinese-state sponsored at halimbawa rito ang sangkaterbang naratibo na lumalabas sa mga social media na nagmumula sa Beijing.
Tinukoy ni Malaya ang Balikatan Exercises kung saan kasama ang Amerika at sinasabing ito ay banta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at ito ay maririnig sa mga local proxies na nakabase sa bansa.
Batid naman na ng NSC kung sino-sino ang mga nasa Pilipinas na nagpapakalat ng Chinese propaganda pero tumanggi itong pangalanan ng ahensya.