
Igagalang at susundin ng Senado kung ano ang magiging pasya ng korte pagdating sa pagpayag na makadalo si Sen. Rodante Marcoleta sa mga sesyon at makaboto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na wala silang nakikitang problema kung payagan ng hukuman na makadalo si Marcoleta lalo’t wala pa namang hatol o kautusan na nagbababawal na ipagpatuloy ang kaniyang tungkulin bilang mambabatas.
Ayon kay Tulfo, ang Sandiganbayan na ang magpapasya kung papayagan nilang makadalo pa rin sa mga sesyon si Marcoleta kahit nakakulong ito dahil sa kasong plunder.
Bukod kay Marcoleta, wala rin aniyang nakikita si Tulfo na problema kung dumalo ang kapwa mambabatas na nakakulong na si Sen. Jinggoy Estrada at si Sen. Bato dela Rosa na kasalukuyang nagtatago dahil sa warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Samantala, sinegundahan naman ni Tulfo ang sinabi ng Senate Impeachment Court Presiding Officer na si Sen. Chiz Escudero sa usapin ng 16 na boto ang kailangan para ma-convict si VP Sara.










