
Itinuturing ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco Marbil na landmark breakthrough ang kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Chinese na si Anson Que at kaniyang driver.
Ayon kay Marbil, case solved na ito at nangakong igagawad ang hustisya sa naulilang kaanak ng mga biktima.
Ito ay makaraang sumuko kamakailan sa mga awtoridad ang sinasabing utak sa krimen na si David Tan Liao, na kilala din sa mga alias na “Xiao Chang Jiang,” “Yang,” “Jianmin,” at “Michael Agad Yung” at pagkaka-aresto nitong April 18 sa mga kasabwat nito na sina Raymart Catequista at Richard Tan Garcia.
Sinabi ni Marbil na ang kaso ni Que ay isang calculated kidnap-for-hire operation kung saan may bayad ang pagdukot at pagpatay at target ng grupo ang mga may alitan, may utang, o may personal na galit.
Ani Marbil, naresolba na ng PNP ang anim na malalaking kaso na may koneksyon kay Liao, at malapit na rin aniyang matukoy ang mga nagpondo sa madugong operasyon.
Kasunod nito binigyang-diin ni Marbil na walang katotohanan na mayroong kidnapping spree sa bansa.