Paggamit ng eMarketplace, mas mapapabilis ang transaksyon ng gobyerno —DBM

Binigyang papuri ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) sa matagumpay na pag-turn-over ng vehicle units sa pamamagitan ng eMarketplace online platform.

Ayon kay Pangandaman, mula sa apat na buwan na proseso ng paghihintay na makabili ng gamit ang gobyerno, naging dalawang linggo na lamang ito dahil sa eMarketplace na ginawa nila.

Idinisenyo ang eMarketplace upang gawing moderno ang procurement process, na nagpapahintulot sa mga ahensya na mag-add to cart ng mga essential goods and services, na tinitiyak ang maagap at cost-effective na mga transaksyon.

Sa pagsisimula ng unang benta sa ilalim ng e-Marketplace, apat na motor vehicles na nagkakahalaga ng P7.6 milyon ang naihand-over sa Insurance Commission upang makakuha ito mula sa isang kumpaniya ng sasakyan.

Agad ding natanggap ng National Tax Research Center ang kanilang order na dalawang motor vehicles na nagkakahalaga ng P3.3 milyon.

Ang eMarketplace ay isa sa maraming bahagi ng New Government Procurement Act na isang “transformative reform” na ginagawang moderno at nagpapalakas sa mga proseso ng pampublikong procurement sa bansa.

Facebook Comments