
Posibleng mapaaga ang pagpiprisinta ng House prosecution panel sa impeachment trial ng ikalawang Article of Impeachment patungkol sa hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte na hindi nito idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. may option ang prosecution team na isunod na talakayin sa paglilitis ang unexplained wealth pagkatapos ng Article I o ang maling paggamit ng confidential funds.
Binanggit ni Tolosa na batay sa inaprubahang Pre-Trial Order ng Senate Impeachment Court ay pwedeng magpasya ang prosekusyon na baguhin ang order of evidence.
Sabi ni Tolosa, ang kailangan lang nilang gawin ay ipaalam sa impeachment court at sa defense panel sakaling magdesisyon ang panel of prosecutors na baguhin ang susunod na ilalahad nilang Article of Impeachment.










