Dinaluhan ang pulong ng mga Agricultural Extension Workers o AEWs, mga kinatawan ng farm clusters, at iba pang partner agencies upang suriin ang kalagayan ng produksyon ng palay sa lalawigan, magbigay ng updates sa mga programa ng pamahalaan, at talakayin ang mga hamong kinahaharap ng sektor ng agrikultura.
Isa sa mga naging tampok na ulat ay mula sa National Irrigation Administration o NIA, na nagtakda ng target na madiligan ang kabuuang 20,775.26 ektarya ng palayan sa Ilocos Norte ngayong wet cropping season ng 2026. Hanggang June 30, nasa 9,982.84 ektarya pa lamang ang nadidiligan.
Dahil dito, muling binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng episyenteng paggamit ng tubig at maayos na iskedyul ng irigasyon bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.
Nagbigay rin ng ulat ang National Food Authority o NFA kaugnay ng programa nito sa pagbili ng palay. Sa unang anim na buwan ng 2026, nakabili ang NFA Ilocos Norte Branch ng 36,054 sako ng palay, kung saan 21,512 sako ay mula mismo sa mga magsasaka ng Ilocos Norte. Target naman ng ahensya na makabili ng 305,000 sako sa ikalawang semestre ng taon at 550,000 sako pagsapit ng 2027.
Ipinaliwanag din sa mga magsasaka ang Price Range Scheme o PRICERS, kung saan umaabot sa ₱23 hanggang ₱30 kada kilo ang buying price ng malinis at tuyong palay, habang ₱17 hanggang ₱23 kada kilo naman ang sariwa o basang palay depende sa kalidad.
Tinalakay rin ang mga dokumentong kailangan at ang proseso ng pagbebenta sa NFA upang mas marami pang magsasaka ang makinabang sa programa ng pamahalaan.
Sa isinagawang open forum, inilahad ng mga Agricultural Extension Workers ang kanilang pangamba sa posibleng kakulangan ng suplay ng tubig para sa irigasyon dulot ng inaasahang El Niño.
Hiniling nila ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng DA at NIA upang matiyak ang napapanahong pamamahagi ng binhi na nakaayon sa iskedyul ng patubig, nang maiwasan ang pagkaantala ng pagtatanim at mapanatili ang produksyon ng palay sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








