Tumanggap ng tig-₱10,100 na ayuda ang 397 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) mula sa sektor ng mga tricycle driver nitong Biyernes, Hulyo 3.
Ang mga benepisyaryo ay nakatapos ng 20 araw na community work sa ilalim ng TUPAD program kung saan kabilang sa mga nagsagawa ng pagtulong sa Brigada Eskwela, repainting ng mga sidewalk, paglilinis ng mga kalsada, at iba pang proyektong pangkomunidad.
Ayon sa pamahalaang lungsod, nagpahayag din ng suporta ang mga benepisyaryo sa kampanya laban sa mga pisonet sa Dagupan. Bilang mga magulang, nais rin umano nilang magamit ang kanilang kinita para sa edukasyon ng kanilang mga anak at iba pang mahahalagang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Kasabay ng payout, nagsagawa rin ang City Health Office ng pagpaparehistro sa mga benepisyaryo para sa YAKAP at GAMOT Program ng PhilHealth.
Pinangasiwaan ng DOLE, PESO, at City Treasurer’s Office ang pamamahagi ng ayuda, sa tulong ng Public Order and Safety Office upang matiyak ang maayos at organisadong distribusyon sa mga benepisyaryo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










