
Tiniyak ng Liderato ng Kamara ang pagsusulong sa kapakanan at pagpapabuti sa pamumuhay ng mga residente ng Pag-asa Island sa Palawan.
Sa pamamagitan ito ng tuloy-tuloy na mga proyekto para sa isla tulad ng pagpapatayo ng rural health unit at mga bagong pasilidad gayundin ang pagpapatupad ng livelihood programs.
Mensahe ito ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na binasa ni House Committee on Foreign Affairs chairperson at Pangasinan Rep. Rachel Arenas sa kanyang pagbisita sa Pag-asa Island kamakailan.
Ang delegasyon na pinangunahan ni Arenas ay nagdala ng mga pagkain at grocery items sa may 230 residente sa Pag-asa Island, kasama ang mga military at uniformed personnel.
Ang Pag-asa Island ay bahagi ng Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea at pinakamalaking lugar na nasasakupan ng Pilipinas sa Spratly Islands.
Mahalaga ito bilang isang estratehikong outpost na nagpapatibay sa soberanya ng bansa at may malaking papel sa pagtukoy ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ayon sa international law.