
Mas pabor ang ilang senador na ipaubaya na lamang sa Supreme Court (SC) ang pagdedesisyon sa usapin ng voting threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte (VPSD).
Kung matatandaan kahapon ay tinalakay sa impeachment trial ang posibilidad na baguhin ang voting threshold sa impeachment ni Duterte matapos itong kwestyunin ni Senator Erwin Tulfo dahil kulang na ang bilang ng mga senador.
Ayon kay Senator JV Ejercito, mas gusto niya na Korte Suprema na ang magdesisyon ukol sa voting threshold para hindi na mahirapan ang mga senator-judges.
Gayunman, depende pa rin ito sa kung ano ang gusto ng impeachment court, ng mga senator-judges at ang magiging resulta ng oral arguments ng prosekusyon at depensa na idaraos sa September 23.
Tiniyak naman ni Ejercito na pag-aaralan at titimbangin ng impeachment court kung ano ang makabubuti sa paglilitis.
Ganito rin ang opinyon ni Senator Raffy Tulfo kung saan para sa kanya para matapos na ang isyung ito ay diretsong iakyat na ito sa SC.
Aniya pa, kung ang SC ang magdedesisyon ay tiyak wala nang magiging away sa usapin ng voting threshold.










