Inirekomenda ng mga opisyal ang pagpapasara sa isang poultry module sa Barangay Palapad, San Fabian matapos talakayin sa public hearing ang umano’y paulit-ulit na paglabag at epekto nito sa mga residente.
Idinaos ang pagdinig noong Mayo 13, kung saan inilahad ng mga residente ang kanilang mga reklamo kaugnay ng operasyon ng poultry sa Module 3, kabilang ang mabahong amoy at pagdami ng langaw sa lugar.
Sa talakayan, sinabi ng ilang opisyal na ilang beses nang napag-usapan ang mga hakbang upang maresolba ang problema ngunit hindi umano ito naipatupad nang maayos. Ipinaliwanag naman ng kinatawan ng poultry operation na nagsagawa sila ng regular na paglilinis at sanitasyon upang mabawasan ang epekto nito sa komunidad.
Napag-alaman din sa pagdinig na Module 3 lamang ang may mga reklamong natanggap habang walang naitalang reklamo laban sa Module 1.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng rekomendasyong ipasara ang nasabing module na maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga residente at matiyak ang pagsunod ng mga establisimyento sa umiiral na batas at regulasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




