
Iginiit ni House Committee on Basic Education Chairman at Pasig Representative Roman Romulo na dapat manatiling lugar ng pagkatuto, kaligtasan at pag-asa ang mga paaralan at hindi pugad ng takot at karahasan.
Mensahe ito ni Romulo kasunod ng mga insidente ng krimen sa mga eskwelahan na kinasasangkutan ng mga menor de edad tulad ng pamamaril ng dalawang estudyante sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay Romulo, kailangan ngayon ng agarang mga aksyon para malakas ang proteksyon sa mga mag-aaral habang tinutugunan ang sanhi ng pagkakasangkot ng ilang kabataan sa paggawa ng krimen.
Pangunahing tinukoy ni Romulo na dapat bigyang atensyon ang mental health concerns ng mga kabataan, bullying, access sa mga armas, patalim at iba pang sandata at pagiging bukas sa iba pang panganib sa komunidad.
Diin ni Romulo, ang nangyaring mga trahedya sa mga paaralan ay paalala na dapat mahigpit na magtulungan ang bawat pamilya, paaralan, komunidad at mga institusyon ng pamahalaan para mapangalagaan ang kapakanan at pagkatao ng mga bata sa ating bansa.










