
Ipinagpaliban muna ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagpapatupad ng bagong accreditation guidelines para sa mga mamamahayag na magco-cover sa Malacañang at sa mga aktibidad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y matapos ang naging dayalogo ng Malacañang Press Corps (MPC) kay PCO Secretary Jay Ruiz tungkol sa mga pagbabago, partikular na ang mga probisyong posibleng maglimita sa kalayaan ng mga newsroom sa pagpili ng mga reporter na kanilang itatalaga sa beat.
Napagkasunduan ng PCO at MPC Officers na hindi na kailangang magsumite ng bagong mga dokumento ng akreditasyon ang mga mamamahayag hangga’t hindi pa naaayos ang mga kontrobersyal na bahagi ng bagong polisiya, na maaaring makaapekto sa estado ng mga bagong media organization at sa deployment ng mga reporter.
Nakasaad kasi sa bagong guidelines kailangan ng panibagong akreditasyon ng lahat ng reporter sa Malacañang at dapat ay may limang taon itong karanasan sa pagbabalita sa political beat.
Kailangan din na magsumite ng business permit at Security and Exchange Commission papers ang mga media companies na wala pang limang taong nag-o-operate.
Bukas naman ang PCO na repasuhin ang guidelines pero nanindigan ang Palasyo na kailangan ng mas mahigpit na mga panuntunan sa akreditasyon dahil ang Malacañang ay pangunahing beat sa media.
Gayunpaman, nagkasundo ang dalawang panig na magtulungan para mapreserba ang mataas na kalidad ng pagbabalita at integridad ng proseso ng akreditasyon habang pinapanatili ang kalayaan sa pamamahayag.
Habang nirerebisa pa ang mga panuntunan, ipagpaliban muna ng PCO ang deadline ng pagsusumite ng accreditation requirement na orihinal na itinakda mula Abril 29 hanggang Mayo 2.