Itinaas ng mga tauhan ng Joint Task Unit-Pag-asa na binubuo ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard (PCG), at PNP-Maritime Group ang watawat ng Pilipinas sa Pag-asa Cays 1, 2, 3, at 4 nitong Linggo Abril 27, 2025 sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), patunay lamang ito ng matibay na paggiit ng Pilipinas sa ating soberanya sa mga cays na matatagpuan sa loob ng 12 nautical miles ng Pag-asa Island, bayan ng Kalayaan, Palawan, sa West Philippine Sea.
Pinabulaanan din ng operasyong ito ang pahayag ng China Coast Guard (CCG) kung saan kanilang sinabi na nakontrol na umano nila ang Pag-asa Cay 2.
Sinabi pa ng Sandatahang Lakas na hindi tumutugma sa tunay na sitwasyon sa lugar ang litrato ng CCG.
Buong tapang ding ipinapahayag ng AFP ang patuloy na pagtatanggol sa ating pambansang soberanya at paggiit sa ating mga karapatan alinsunod sa international law.