Nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pamilya ng mga nasawi sa magkasunod na trahedya sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) toll plaza at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Kasabay nito, ilang direktiba ang ibinaba ng Pangulo kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon para hindi na maulit ang malagim na trahedya sa mga kalsada.

Kabilang sa mga ito ang pagsusuri ng sistema ng pagbibigay ng lisensiya sa pagmamaneho sa mga karapat-dapat na indibidwal, at pagsasagawa ng audit sa lahat ng bus operators sa buong bansa na may malinaw na parusa sa mga hindi makakasunod sa standards.

Inatasan din ng pangulo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na supilin ang mga mapagsamantalang kagawian sa sektor ng transportasyon, tulad ng matagal na oras ng pagmamaneho at paglalagay ng quota na nagdudulot ng driver fatigue na dahilan para manganib ang buhay ng mga pasahero.

Giit ng pangulo, dapat may managot sa mga nangyari para mabigyan ng hustisya ang mga biktima at kailangang makapagtatag ng transport system na tunay na nagbibigay proteksyon sa mga Pilipino.

Facebook Comments