
Muling dumulog sa Korte Suprema ang mga biktima ng war on drugs ng nakaraang administrasyon para hilingin na ideklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang pagpapatupad nito.
Ayon sa human rights lawyer na si Atty. Gilbert Andres na kumatawan para sa pamilya ng drug war victims, inihain nila ang manifestation at urgent motion for resolution para sa kaparehong petisyon na idinulog noon pang 2017.
Sinabi ni Andres na sampung taon na ang drug war na inilunsad noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pero nananawagan pa rin silang ideklara ng Kataas-taasang Hukuman na labag ito sa Konstitusyon.
Partikular na tinututulan nila ang kautusan ng Philippine National Police (PNP) na inilabas noong 2016 na nagpapatupad ng kampanya kontra iligal na droga.
Maaari pa rin kasi aniya itong gamitin ng kapulisan hanggang sa kasalukuyan bilang batayan sa kanilang mga operasyon.
Ang naturang kautusan ay ipinatupad sa ilalim ni noo’y PNP Chief na si Sen. Bato dela Rosa na nagtatago ngayon dahil sa warrant mula sa International Criminal Court (ICC).










