Opisyal nang itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Task Force Kanlaon na siyang tututok sa nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Sa bisa ng Administrative Order No. 32, pangungunahan ng task force ang recovery, rehabilitation, at resettlement efforts para sa mga apektadong lugar.
Bubuuin ito ng Department of National Defense (DND), kasama ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno habang ang Office of Civil Defense (OCD) naman ang magsisilbing sekretarya at magbibigay suporta sa task force.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga ang mas matibay na koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno para sa mas mabilis, maayos, at epektibong pagtugon sa mga kalamidad.
Ang hakbang na ito ay alinsunod din sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 at sa Mt. Kanlaon National Park Act of 2001 na parehong naglalayong protektahan ang kalikasan at mga mamamayang malapit sa bulkan.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa higit 48,000 katao ang apektado ng pagputok ng bulkan, at higit 129 milyon na ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura.