Pagtatayo ng Kadiwa Centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa, isinulong sa Kamara

69

Sa harap ng nagtataasang presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin ay isinulong ni AGRI Partylist Representative Wilbert Lee, ang pagtatayo ng Kadiwa Agri-food Terminals sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Ang mungkahi ni Lee ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill 3957 o panukalang “Kadiwa Agri-Food Terminal Act”, na layuning mabigyan ng venue at pagkakataon ang ating mga magsasaka at mangingisda na maibenta ang kanilang mga produkto sa abot-kayang halaga.

Nakasaad sa panukala na magiging katuwang ang mga lokal na pamahalan sa pangangasiwa ng mga Agri-food Terminal gaya ng direct retail selling pati na Kadiwa on wheels para matiyak na mas mababa ng 10 to 20 percent ang presyo ng bilihin kumpara sa mga palengke.


Paliwanag ni Lee, kapag naisabatas, 25 billion pesos ang ilalaan kada taon sa implementasyon ng programa at 10 billion pesos ang ilalaan sa Department of Agriculture (DA) para mapalawak ang programa.

Diin ni Lee, solusyon din ng panukala laban sa mga mapagsamantalang mga negosyante at middle men na nanlalamang sa mga magsasaka at mangingisda, kaya dehado ang mga mamimili.

Facebook Comments