Friday, October 16, 2026

Pahayag ng Chinese Ambassador to the Philippines, binatikos ng dfa at nanawagan ng mahinahong diplomasya

Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) kay Chinese Ambassador to the Philippines na si Jing Quan na mag-ingat sa paggamit ng mga salitang maituturing na tila pagbabanta sa paggamit ng puwersa.

Una rito, binatikos ng Embahada ng China si Philippine Coast Guard Rear Admiral Jay Tarriela dahil umano sa kanyang pagbaluktot ng mga katotohanan, pagbibigay ng mga mapanlinlang na pahayag, paggamit ng mga argumento na walang kaugnayan o malayong iugnay sa isyu, pagpapakalat ng kasinungalingan at mga tsismis at pagkuha ng mga pahayag na wala sa tamang konteksto kaugnay ng mga usapin sa pagitan ng China at Pilipinas.

Ayon sa DFA, mahalaga ang maingat at mahinahong pananalita sa diplomasya upang mapanatili ang espasyo para sa maayos na talakayan, dayalogo at pakikipag-ugnayan sa kabila ng magkaibang posisyon at pananaw ng dalawang bansa.

Sinabi rin ng kagawaran na nakalulungkot ang naging pahayag ng ambassador dahil maaari itong makasira sa tiwala ng Pilipinas at China at makapagpabagal sa patuloy na pag-uusap at ugnayan ng dalawang bansa.

Nanawagan ang DFA sa lahat ng mga diplomat na nakatalaga sa Pilipinas na maging maingat sa kanilang mga pahayag upang hindi lalong lumala ang tensiyon lalo na sa West Philippine Sea at mapanatili ang maayos na relasyon ng mga bansa.

Facebook Comments