Pahayag ni PBBM na pakikipagkasundo sa pamilya Duterte, suportado ng CBCP

Suportado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naging pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na bukas siyang makipagkasundo sa pamilya Duterte.

Ito’y sa kabila ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang lider ng bansa kung saan tila nakakalimutan na ang ilang mahalagang gawain na dapat pagtuunan ng pansin.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Director ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, mabuti ang pagkakaisa at pagkakasundo ng mga pinuno ng bansa, pero dapat itong nakatuon sa kabutihang panlahat.

Sinabi pa ni Fr. Secillano, kung handa ang Pangulong Marcos Jr. na makipagkasundo, dapat itong isaalang-alang din ng kampo ng mga Duterte para na rin sa kapakanan ng buong bansa at ng mga Pilipino.

Matatandaang nagsimula ang hidwaan ng dalawa noong nakaraang taon at sa kasalukuyan, nahaharap si VP Sara sa impeachment trial kung saan ilan beses na sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na hindi niya sinusuportahan ang naturang hakbang laban sa dating kaalyado sa politika.

Facebook Comments