Tuesday, October 20, 2026

Suplay ng tubig sa mga golf courses, swimming pools at mga water parks, posibleng higpitan ngayong may Very Strong El Niño

Posibleng higpitan ang suplay ng tubig sa mga golf courses, mga water park at sa mga may swimming pools ngayong panahon ng “Very Strong El Niño.

Ito ang pahayag ng Local Water Utilities Administration (LWUA) matapos ang pagtatanong ni Senator Risa Hontiveros sa gitna ng pagdinig para sa budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon kay LWUA Administrator Jose Moses Salonga, mayroong memorandum circulars ukol sa pagtitipid sa tubig.

Kabilang sa rekomendasyon ang silipin kung maaaring bawasan ang suplay ng tubig o pansamantala munang magsara ang mga negosyong malalakas kumunsumo ng tubig.

Kasama dito ang direktiba sa mga water district na bumuo ng communication plan para maipabatid sa publiko at mapatulong din sa pagtitipid ng tubig.

Samantala, sinabi naman ni Environment Secretary Miguel Cuna na nakapagsumite na siya sa opisina ng Pangulo ukol sa panukalang memorandum para utusan ang mga tanggapan sa gobyerno na magtipid sa paggamit ng tubig at ipagutos ang pagpatay sa linya ng tubig ng ilang opisina kapag oras na ng gabi.

Facebook Comments