
Suportado ng House Prosecution Panel ang pasya ng Senate Impeachment Court na pakinggan ang mga legal expert kaugnay sa isyu ng nararapat na bilang ng boto ng mga senator-judges sa paghatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte (VPSD).
Sinabi ito ni House Prosecutor Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores matapos ilaan ng Senate impeachment court ang September 16 para pakinggan ang mga eksperto sa usapin.
Naniniwala si Flores na malaking tulong ang opinyon ng experts para magabayan ang mga mga senator-judges sa usapin.
Magugunitang sa pagbubukas ng impeachment trial noong Hulyo ay binanggit ni Presiding Officer Senator Francis Chiz Escudero na 16 ang voting threshold alinsunod sa nakasaad sa Konstitusyon na 2/3 mula sa kabuuang bilang na 24 ng mga senator-judges.
Pero ayon kay Senator Judge Erwin Tulfo, kailangan nilang pagpasyahan ang nararapat na voting threshold lalo’t ilang senator judge ang hindi nakakadalo sa impeachment trial dahil sa iba’t ibang kadahilanan at posibleng hindi rin sila makaboto.










