
Nirerespeto ng Malacañang ang inilabas na warrant of arrest ng Sandiganbayan laban kay Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng kasong plunder.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kung iyon ang itinakda ng batas at iniutos ng korte, tungkulin ng ehekutibo na ipatupad ito.
Hindi rin kinagat ng Palasyo ang pahayag ni Mike Defensor na mas nauuna pang makulong ang mga kritiko kaysa sa mga tunay na nagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa halip, iginiit ni Castro na kung mas maagang nakapaghain ng konkretong ebidensya, matagal na sanang naisampa sa korte at nausad ang mga kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.
Nang usisain kung walang batayan ang kasong isinampa laban kay Marcoleta, tumanggi si Castro na magkomento at sinabing ang usapin ay nasa hukuman na at doon dapat iharap ang depensa.
Ayon pa sa Malacañang, hindi rin maaapektuhan ng pagkakaaresto kay Marcoleta ang impeachment trial dahil nasa Senado na ang proseso at magpapatuloy ito hangga’t walang utos ng korte na nagpapatigil dito.










