Thursday, July 2, 2026

Sen. Hontiveros, tutol na ibaba ang minimum age of criminal responsibility sa mga kabataang nakagawa ng krimen

Tinututulan ni Senator Risa Hontiveros ang pagbaba sa edad ng mga kabataang nakagawa ng krimen na pwedeng makasuhan at maipakulong.

Matatandaang kahapon sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Hontiveros, ipinanawagan ng ina ng biktimang si Joyancee Separa na nasawi sa Tacloban City school shooting na nais niyang ibaba ang minimum age of criminal responsibility o edad ng mga batang pwedeng makasuhan.

Gayunman, iba ang pananaw ng chairperson ng komite kung saan sinabi ni Hontiveros sa isang pulong balitaan na tutol siyang ibaba ang minimum age ng criminal responsibility.

Nilinaw naman ni Hontiveros na tutol man siya na ibaba ang edad para sa criminal liability, pabor naman siyang repasuhin at i-evaluate ang Juvenile Justice and Welfare Act.

Sinabi rin ng senadora na kung kinakailangang amyendahan ang batas para palakasin ang mandato at pagsuporta sa mas komprehensibo at epektibong intervention at diversion programs para sa mga children in conflict with law (CICL) lalo na ang mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen ay sang-ayon siya rito.

Facebook Comments