Pamilya ng estudyanteng tinaboy ng security guard sa isang mall sa Mandaluyong City, balak kasuhan ang vlogger na nagpakalat ng viral video ng insidente

Plano ng pamilya ng estudyanteng itinaboy ng security guard sa isang mall sa Mandaluyong City na kasuhan ang vlogger na nag-upload ng video ng insidente na nag-viral sa social media.

Sa interview ng DZXL-RMN Manila, sinabi ni Commission on Human Rights (CHR) Focal Commissioner for Children Beda Epres na nakaranas ng trauma ang dalagita at na-bash na rin ito dahil sa kumalat na video.

Iginiit din ng opisyal na hindi dapat basta-basta ina-upload ang video ng isang pribadong indibidwal lalo na kung wala itong pahintulot.


“Ang pinag-iisipan po nila na file-an ng charges ay ‘yun pong vlogger na nagpakalat daw po dahil kahit po pinapakiusapan na nila na i-takedown ‘yung video ay ayaw po yata o hindi na po sila pinapansin. Pero, initial ang request po na hinihingi na lang talaga is psychological assistance dahil daw po sa trauma na naexperience nung victim dahil nababash na po siya sa social media.”

Batay sa impormasyon na nakalap ng CHR, napag-alaman na 19 taong gulang na ang nasabing estudyante.

Samantala, sinabi naman ni Epres na puwedeng kasuhan ng dalagita ang security guard, pero nagdadawalang-isip pa ang pamilya nito dahil baka tuluyan nang hindi makapagtrabaho ang sekyu.

Gayunpaman, itutuloy pa rin ng CHR ang imbestigasyon batay sa kopya ng naturang video, habang kakausapin din nila ang security guard upang malaman ang kaniyang panig sa pangyayari.

Facebook Comments