PANGASINAN, PINALALAKAS ANG RIVER CLEARING OPERATIONS BILANG HAKBANG LABAN SA BAHA

Patuloy na pinapalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamumuno ni Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III ang paglilinis at pangangalaga sa mga ilog bilang bahagi ng mga hakbang upang mapabuti ang daloy ng tubig at makatulong sa pagbawas ng panganib ng pagbaha sa mga komunidad.

Sa Parongking River sa bayan ng Calasiao, umabot na sa humigit-kumulang 2.8 kilometro ang nalinis ng provincial government.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, tinatayang 5,861.5 cubic meters ng vegetation, o mga halaman at iba pang tumubong vegetation sa daluyan ng ilog, ang naalis.

Nailabas din mula sa ilog ang tinatayang 7,890 cubic meters ng silt at debris, o naipong putik at mga bara at kalat na maaaring makaapekto sa maayos na pagdaloy ng tubig.

Samantala, nagpapatuloy naman ang river clearing operations sa Marusay River.

Sa target na 4.3 kilometro, nasa 740 metro na ang nalilinis sa naturang ilog.

Umabot naman sa 1,130 cubic meters ng vegetation at 8,664 cubic meters ng silt at debris ang naalis sa isinagawang clearing operations.

Ipinaliwanag ng pamahalaang panlalawigan na hindi ito instant na solusyon sa problema ng pagbaha, ngunit mahalaga ang bawat metrong nalilinis upang mapabuti ang daloy ng tubig at mabawasan ang panganib sa mga komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments