PANGASINAN PPO, NANGUNA SA BRIGADA ESKWELA 2026 SA TANGLAW-LAHI DAY CARE CENTER

Nakibahagi at nanguna ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa pagsasagawa ng Brigada Eskwela 2026 sa Tanglaw-Lahi Day Care Center sa Camp Gov. Antonio U. Sison, Lingayen, Pangasinan bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase.

Nakiisa sa programa ang mga pulis, mga magulang at tagapag-alaga ng mga mag-aaral sa Early Childhood Care and Development (ECCD), na sama-samang nagsagawa ng paglilinis, pagkukumpuni, at pagpapanatili ng pasilidad upang matiyak ang isang ligtas, maayos, at kaaya-ayang kapaligiran para sa mga batang mag-aaral.

Bukod sa cleanup drive, namahagi rin ang Pangasinan PPO ng mga school supplies at learning materials sa mga daycare pupils bilang suporta sa kanilang pag-aaral at upang makatulong sa mga gastusin ng kanilang mga pamilya sa pagbabalik-eskwela.

Ayon pa sa pamunuan ng Pangasinan PPO, ang matagumpay na pagsasagawa ng Brigada Eskwela ay sumasalamin sa diwa ng bayanihan at sama-samang pagkilos ng pulisya at komunidad para sa kapakanan ng mga bata at ng sektor ng edukasyon.

Patuloy namang tiniyak ng Pangasinan PPO ang kanilang suporta sa mga programang naglalayong mapaunlad ang sistema ng edukasyon at makalikha ng mas ligtas at mas maayos na mga lugar ng pagkatuto para sa mga kabataan sa buong lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments