Pangulong Marcos, naging emosyonal sa panawagang paigtingin ang mga programa at hakbang laban sa child sexual abuse

Hindi napigilang maiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang talumpati ngayong hapon sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) Summit 2024 matapos ibahagi ng isang survivor ang kaniyang naging karanasan sa sekswal na pang-aabuso.

Ayon sa pangulo, ang pang-aabuso sa mga bata ay isang “worst crime against humanity” kaya naman titiyakin ng pamahalaan na masugpo na ang ganitong klase ng krimen.

Iginiit ng pangulo na dapat magsumikap ang mga opisyal dahil marami pang kailangan gawin para tuluyang matuldukan ang aniya’y nakaka-kilabot na problema ng pang-aabuso, lalo sa mga kabataan.


Inilatag ni Marcos ang ilang programang ginagawa ng pamahalaan gaya ng pagtatag ng Presidential Office for Child Protection at pagsasabatas ng Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act.

Sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) mula Enero hanggang Setyembre, aabot sa 169 na biktima ng online sexual abuse at exploitation ang nasagip mula sa ikinasang halos 100 operasyon.

Mula naman Enero hanggang Hunyo, mahigit 22,000 kabataan ang nakaranas ng physical, sexual, emotional, at psychological abuse, batay sa Violation Against Women and Children (VAWC) record ng kagawaran.

Facebook Comments