PANSAMANTALANG TRUCK BAN IPATUTUPAD SA MANAOAG PARA SA SENTENARYO NG OUR LADY OF MANAOAG

Naglabas ng anunsyo ang Pamahalaang Bayan ng Manaoag kaugnay sa pagpapatupad ng pansamantalang truck ban at traffic rerouting sa Barangay Poblacion, simula kahapon, Abril 19 hanggang Abril 26, 2026.

Batay sa Executive Order No. 41, Series of 2026, ipinagbabawal ang pagpasok ng mga ten-wheeler trucks at mas malalaki pang sasakyan sa nasabing lugar bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng sentenaryo ng canonical coronation ng Our Lady of Manaoag sa Abril 22, gayundin ang Manaoag Centennial Fiesta na gaganapin sa Abril 24 at 25.


Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kaginhawaan ng inaasahang pagdagsa ng mga deboto, manlalakbay, at turista na bibisita sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag.

Bilang bahagi ng implementasyon, hindi papayagang makapasok sa Barangay Poblacion ang mga nabanggit na uri ng trak sa loob ng itinakdang petsa.

Pinapayuhan naman ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding trapiko sa sentro ng bayan.

Hinihikayat din ng pamahalaang bayan ang kooperasyon ng publiko upang maging maayos at ligtas ang selebrasyon ng makasaysayang okasyon sa Manaoag. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments