Target ng House of Representatives na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P6.352-trilyong national budget para sa 2025 bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso sa Setyembre 25.
Inihayag ito ni Marikina City Rep. Stella Quimbo, Senior Vice Chairperson ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Quimbo, sa Lunes, Setyembre 16, magsisimula ang pagtalakay ng plenaryo sa panukalang badyet na magsisimula alas-dyes ng umaga araw-araw.
Unang tatalakayin sa plenaryo ang general principles o pinagbatayan sa pagbuo ng panukalang pondo.
Inaasahang present sa deliberasyon ng budget sa plenaryo ang mga pinuno at mga opisyal ng bawat ahensya pero hindi sila magsasalita sa plenaryo.
Ito ay dahil, base sa proseso, ang mga naatasang kongresista lamang ang titindig sa plenaryo para idepensa budget ng bawat ahensya para sa susunod na taon.
Magugunitang una ring nagbigay ng katiyakan si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na maaprubahan ng Kamara ang badyet bago ang unang recess ng ikatlong at huling regular na sesyon ng 19th Congress simula sa katapusan ng Setyembre hanggang November 3.