
Iginiit din ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na bawiin ng Kamara ang ipinasa nitong House Bill No. 8910 o panukala na layuning mapigilan ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan.
Malinaw para kay Rodriguez na nilalabag ng panukala ang Konstitusyon at Family Code dahil higit sa isa ang topic na tinutugunan nito.
Tinukoy ni Rodriguez na nakapaloob din sa panukala ang pagpapatupad ng Comprehensive Adolescent Sexuality Education o CASE na hiwalay na subject matter sa adolescent pregnancy.
Mariin din ang pagtutol ni Rodriguez sa pagpapahintulot ng panukala na magkaroon ng access sa reproductive health services ang mga menor de edad kahit walang permiso ng kanilang mga magulang.
Ayon kay Rodriguez, dapat ibalik sa Komite ang panukala upang mas mapag-aralan pa itong mabuti at matiyak na hindi magsusulong ng delikadong gawain na taliwas sa constitutional at cultural moral values.