Monday, April 20, 2026

Mga pahayag ni Madriaga sa impeachment hearing, tumugma sa rekord ng LTO

Ayon kay Terry Ridon, Chairperson ng House Committee on Public Accounts at kinatawan ng Bicol Saro Party-list, tumugma sa nakuhang rekord ng Land Transportation Office (LTO) ang mga sasakyang isiniwalat ni Ramil Madriaga sa nagdaang impeachment hearing na umano’y binili niya gamit ang P25 milyon na ibinigay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021.

Magugunitang sa impeachment hearing noong April 14, binasa ni Madriaga ang kanyang supplemental affidavit na nagsasaad na inutusan siya ni Duterte na bumili ng mga sasakyan para magamit ni Bise Presidente Sara Duterte tuwing nasa Metro Manila.

Ayon kay Madriaga, ginamit din ang mga naturang sasakyan sa operasyon ng Inday Sara Is My President Pilipinas movement, na tumulong sa kampanya noong 2022.

Dagdag pa niya, inilagay sa pangalan niya at ng kanyang mga anak ang mga sasakyan.

Kabilang sa mga binanggit ni Madriaga ang dalawang 2021 Ducati motorcycle na nagkakahalaga ng P3.5 milyon at P2.3 milyon, kung saan aabot sa P500,000 ang ginastos sa motorcycle accessories.

Kasama rin sa supplemental affidavit ang dalawang 2021 Harley-Davidson motorcycle na nagkakahalaga ng P4.5 milyon, pitong Yamaha NMAX motorcycle, at isang Toyota FJ Cruiser na ginamit umano sa pagkuha ng mga pera na inilalagay sa mga duffel bag at dinadala sa iba’t ibang lokasyon.

Facebook Comments