
Umapela si Senator Joel Villanueva na madaliin ang pagpapasa sa panukalang batas para sa pagtatakda ng living wage.
Ayon kay Villanueva, maraming panukalang batas ang nakabinbin ngayon sa Senado para sa panukalang legislated wage increase.
Subalit, sinabi ng senador na ang prayoridad ngayon ay malinaw na mailatag ang criteria para sa living wage upang makapagtatag ng patas at angkop na minimum wage sa mga manggagawa.
Bunsod nito ay hinihiling ni Villanueva na ipasa na ang Senate Bill 44 na layong amyendahan ang Labor Code sa pamamagitan ng pagsusulong ng living wage framework kung saan isinasaalang-alang ang inflation upang maprotektahan ang mga manggagawa lalo na sa panahon na may krisis.
Giit ng mambabatas, dapat pantay ang sweldo sa kinakailangang living wage at mahalagang silipin kung ang sahod ay kayang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya, may krisis man o wala.










