
Kinatigan ng Kamara ang mga amyenda ng Senado para sa House Bill 10926 o panukalang magpapalawig sa prangkisa ng Meralco ng 25 taon na magsisimula sa taong 2028.
Bunsod nito ay isusumite na sa Malacañang ang Meralco Franchise Bill para mapirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kapag naipatupad ang panukala ay patuloy na masi-serbisyuhan ng Meralco ang mahigit 7 milyong customers ng kuryente sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.
Binigyang-diin ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda na maaasahan ang serbisyo ng Meralco at malaki ang naitutulong nito sa pag-unlad ng ating ekonomiya.
Sa katunayan, ayon kay Salceda, kung ang lahat ng power supply distribution utilities sa bansa ay magiging kasing-husay ng Meralco ay tiyak makakakuha tayo ng dagdag na ₱205 billion para sa ekonomiya dahil maiiwasan ang mga blackouts.