
Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na ipapatawag nila si Sen. Alan Peter Cayetano bilang bahagi ng sinasabing irregularities noong 2019 Southeast Asian Games.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nais nilang malinawan kung bakit hindi lumabas ang pangalan ni Cayetano sa corporate records bilang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), sa kabila ng naging papel nito sa event.
Base sa paunang findings lumalabas aniya na si Cayetano ay itinalaga bilang interim chairman ng PHISGOC ng Philippine Olympic Committee.
Sinabi pa ni Matibag na ang senador ay hindi miyembro ng board of directors ng organisasyon na aniya’y malaking kuwestiyon sa kanyang awtoridad.
Una nang naungkat ang paghawak ng pondo at ang organizational structure ng 2019 SEA Games kung saan ang Pilipinas ang naging host.










