
Dinesisyunan na ng Senate Impeachment Court ang isyu tungkol sa manifestation ng mga senador na labas o walang kinalaman sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Bago magsimula ang trial proper ngayong Day 7 ng paglilitis, nag-manifest si Senator-judge Robin Padilla na hindi totoo ang sinabi laban sa kaniya ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi siya sumusunod sa batas matapos siyang sampahan ng obstruction of justice.
Katunayan, naghain na siya ng counter-affidavit at ipinakita ang kopya ng kanyang isinumiteng tugon sabay hiling sa presiding officer at sa Senate president na tulungan naman silang maipagtanggol ang mga sarili.
Gayunman, nag-manifest si Senator-judge Erwin Tulfo at iginiit na ilang araw nang nagagamit ang Impeachment Court sa pagpapaliwanag ng mga isyu at pagtatanggol sa mga sarili na walang kinalaman sa impeachment.
Apela ni Tulfo na kung maaari ay huwag dalhin sa impeachment court ang mga manifestations na walang kinalaman sa paglilitis ng bise presidente dahil hindi ito ang tamang forum, venue at oras para ipaliwanag ang kanilang mga sitwasyon.
Dagdag ni Tulfo, ang mga isyu sa sarili ay maaaring dalhin sa press conference o sa social media.
Tinukoy naman ni Senator-judge Alan Peter Cayetano ang naging pahayag noon ni Senator Joker Arroyo na walang saysay na makipag-argumento tungkol sa usaping legal kung hindi naman isang abogado.
Trabaho aniya nila bilang Senator-judges na dinggin at desisyunan ang paglilitis sa bise presidente at ang mga isyu na kinakaharap ng ilang senator-judges ay makakaapekto sa kanila.
Binanggit ni Cayetano ang mga kasamahang sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Rodante Marcoleta na kasalukuyang naka-detain at hindi makalahok at hindi makakaboto sa impeachment trial.
Sa huli ay sinagot ni Senator-judge Tito Sotto na hindi man siya nagtapos ng apat na taon ng abogasya pero mayroon siyang 29 na taon na karanasan sa paggawa ng batas.
Kasabay nito ay nagmosyon si Sotto na mai-refer sa Senado ang mga nabanggit na usapin na sa huli ay kinatigan ni Presiding Officer Chiz Escudero.
Sinabi ni Escudero na mananatili sa records ang manifestation ni Padilla at ire-refer sa Senate proper tulad sa nangyari noon kay dating Minority Leader Senator Rene Cayetano.
Nauunawaan naman ni Escudero na nangyayari ito dahil wala pa silang sesyon at ang trial ng impeachment court ang nakitaan ng pagkakataon para mailabas ang mga hinaing.










