Monday, November 23, 2026

Roadworthiness ng mga pampublikong sasakyan ngayong Undas, pinatitiyak ng isang senador

Pinatitiyak ni Senator Raffy Tulfo na nasa maayos na kondisyon ang mga pampasaherong bus bago payagang bumiyahe ngayong Undas.

Sa pagdinig sa Senado, iginiit ng senador ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong paparating na Undas lalo pa at inaasahan ang pagdagsa ng milyun-milyong pasahero patungo sa kani-kanilang probinsya.

Kaugnay nito ay inatasan ni Tulfo si Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Renante Melitante na tiyakin ang roadworthiness ng lahat ng mga pampublikong sasakyan na babyahe kabilang ang maayos na preno, mga gulong na hindi pudpod, mga drivers na sumailalim sa drug testing, gayundin ang mahigpit na pagpigil sa pamamasada ng mga colorum na bus.

Maliban sa roadworthiness, pinatitiyak din ng mambabatas ang seguridad sa mga paliparan at pantalan, at kahandaan ng mga expressway upang maiwasan ang mga aksidente at iba pang insidente sa panahon ng Undas.

Pati ang mga CCTVs sa mga terminal ay pinasusuri ng senador na lahat ay gumagana at hiniling na magtalaga ng mga nakaposteng mga awtoridad sa lahat ng terminal upang maiwasan ang anumang uri ng krimen.

Gayunman, idiniin ni Tulfo na kahit hindi Undas ay dapat regular pa rin ang inspeksyon na ginagawa ng LTO sa lahat ng terminal.

Facebook Comments